Suplay ng tubig sa Las Piñas, Cavite balik-normal ngayong Miyerkoles: Maynilad

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2018 07:16 AM

MANILA - Inaasahang magbabalik sa normal ang suplay ng tubig sa Las Piñas at Cavite ngayong Miyerkoles matapos masira ang isang tubo ng Maynilad doon, sabi ng kumpanya. 

Bumulwak ang tubig nang singtaas ng 2-palapag na bahay nang masira ang pipeline ng Maynilad sa Coastal Road nitong Lunes ng umaga. 

Para makumpuni ito, kinailangan ng kumpanya na isara ang isang primary water valve, dahilan para humina o tuluyang nawala ang tubig sa 300,000 bahay. 

Nabuksan na ang 1.4-metrong valve dakong alas-3 Miyerkoles ng umaga kaya dumadaloy na ang tubig sa bahagi ng Coastal Road, sabi ni Jennifer Rufo, assistant vice president for corporate communications ng Maynilad. 

"Barring any complication, our customers in the south should have water supply in a few hours, possibly by 8 am today," dagdag niya sa isang text message. 

Iniimbestigahan pa ang sanhi ng aberya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.