Shabu o tawas? Pintor timbog sa 'shabu' sa Parañaque

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2018 08:08 AM

Arestado ang isang pintor matapos mahulihan ng hinihinalang shabu sa Barangay San Antonio, Parañaque Miyerkoles ng hatinggabi.

Narekober mula sa 37-anyos na suspek ang isang sachet na umano'y shabu at ilang drug paraphernalia.

Ayon kay San Antonio Barangay Captain JR Sanchez, nagsasagawa sila ng Oplan Galugad nang madatnan ang suspek na nakaupo sa bangketa sa Santa Maria Street.

Tumakbo umano ang suspek nang lapitan ng mga pulis at tanod pero naabutan din siya.

Depensa ng suspek, tawas umano ang nakuha sa kaniya na ipapahid niya sa sugat sa paa.

Dagdag niya, matagal na siyang tumigil sa paggamit ng shabu.

Susuriin pa sa crime laboratory ang nasabat na kristal para malaman kung shabu ito.

Posibleng mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.