Sereno, tila may pasaring tungkol sa mga atake sa kanya

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2018 11:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv


Tila may patama si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa aniya'y mga padalos-dalos at hindi pinag-iisipang aksiyon na layong magpanagot sa mga kawani ng gobyerno.

"The time will come when our people will realize that impromptu, extemporized, unprepared, unthought out plans of action, that run contrary to the structured way the Constitution designed accountability, harms our nation’s long term future," aniya. 

Bukod kasi sa impeachment, hiniling na rin ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema, sa pamamagitan ng isang quo warranto petition, na ipawalang-bisa ang appointment ni Sereno dahil hindi raw ito kuwalipikado sa posisyon bilang chief justice.

Ayon sa mga pasimuno ng quo warrant petition, ito ay mas mabilis kumpara sa mas mahabang paglilitis sa Senado sakaling umusad na ang impeachment laban sa punong mahistrado. 

Pero giit din nila, mas mabuti pang sumuko na lang si Sereno at tuluyang magbitiw sa puwesto.

"She should accept that fact with honor and dignity dahil kahit gaano kasakit...this is a battle she will definitely lose," ani Atty. Manuelito Luna, abogado ni Eligio Mallari, ang unang sumulat sa OSG kaugnay ng quo warranto laban kay Sereno. 

Dagdag ni Luna, mukang "nagpapaalam" na si Sereno gawa na ring madalas itong maglibot at magbigay ng mga talumpati matapos ang kaniyang sapilitang indefinite leave.

"Nagpapaalam ka na eh, that is a clear sign that you would eventually resign," obserbasyon ni Luna.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa kamay na ng mga mahistrado ng Korte Suprema kung aaksiyonan ang quo warranto petition na kumukuwestiyon kay Sereno.

Maging ang naghain ng impeachment complaint sa Kamara na si Atty. Larry Gadon, pabor din sa quo warranto petition.

"If she can be removed in a faster way, okay sa akin 'yun," ani Gadon.

Pero paniwala ni dating Solicitor General Florin Hilbay, tanging impeachment lang ang makapagpapatalsik kay Sereno.

"If the SC declares Sereno’s appointment void, it will be incompatible with the Constitution...If the SC rules that way, it will open a can of worms, anyone’s appointment can be subjected to that kind of scrutiny," paliwanag ni Hilbay. 

--Ulat nina Ina Reformina at Adrian Ayalin, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.