Serbisyo ng Maynilad sa Las Piñas, Cavite, di pa rin naibabalik sa normal

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2018 06:38 PM | Updated as of Nov 05 2018 06:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi pa rin naibabalik ang regular na suplay ng tubig ng Maynilad sa ilang lugar sa Las Piñas at Cavite kahit naayos na ang sira sa isang tubo, ayon sa naturang water service provider.

Ayon kay Grace Laxa, tagapagsalita ng Maynilad, Lunes pa lang ng gabi ay naayos na ang leakage sa primary pipeline ng Maynilad sa may Coastal Road, na naiulat na sira noong parehong araw.

Sa kabila nito, wala pa rin aniyang tubig sa ilang bahagi ng Las Piñas at Cavite, kabilang ang Imus, Bacoor, at Kawit.

Ito ay dahil malayo umano ang mga lugar sa pumping stations, elevated o matataas ang lugar, o patuloy ang withdrawal ng tubig doon.

Posibleng maibalik ang normal na suplay ng tubig sa Huwebes pero depende pa ito sa dami ng gumagamit nang sabay-sabay, lalo sa mga matataas na lugar, anila.

Patuloy naman, ani Laxa, ang pagsusuplay ng tubig ng mga water tanker ng Maynilad sa mga lugar na walang tubig.

Maaari ring tumawag sa numerong 1626 para magpapunta ng water tanker sa mga lugar na nangangailangan.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.