Nakamaskarang lalaki timbog sa tangkang panghahalay ng kapitbahay

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2018 10:14 AM | Updated as of Nov 04 2018 07:27 PM

Sa presinto, humingi ng tawad ang lalaki sa babaeng kanya umanong tinangkang halayin. Jekki Pascual, ABS-CBN News

MAYNILA - Arestado ang isang lalaki matapos nitong tangkaing halayin ang kanyang kapitbahay sa Mandaluyong City, Miyerkoles ng madaling araw.

Kuwento ng biktima, patulog na sana siya bandang ala-1 ng madaling araw nang sirain ng lalaki ang kandado ng kanyang kuwarto at saka siya pinagsusuntok at pinagsasakal.

Nakamaskara at nakabrip lang aniya nang pasukin siya ng salarin na matapos siyang saktan ay nagbanta pang papatayin siya kung magsusumbong.

Nanlaban ang babae hanggang sa makahingi ng tulong. Kahit nakamaskara, nakilala umano niya agad ang lalaki na kanyang kapitbahay. Katrabaho din niya sa isang canteen ang nanay nito.

Hindi naman itinanggi ng lalaki ang paratang sa kanya at iginiit pang lasing siya kaya niya ito nagawa. Humingi siya ng tawad sa biktima pero desidido ang babae na magsampa ng kaso.

Napag-alaman ng pulisya na nasangkot na noon sa iba't ibang kaso tulad ng pagnanakaw at akyat-bahay ang lalaki.-- ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.