Kaso ng diarrhea sa bayan sa Palawan kontrolado na

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2018 07:07 PM

Nasa 326 kaso ng diarrhea ang naitala ng Provincial Health Office mula Disyembre 2017 hanggang Pebrero 2018 sa Balabac, Palawan, ngunit kontrolado na ito ayon sa ahensiya. Arlie Cabrestante, ABS-CBN News


BALABAC, Palawan - Kontrolado na ang mga kaso ng diarrhea sa bayang ito, ayon sa Provincial Health Office.

Sa datos ng ahensiya, simula Disyembre 18 noong nakaraang taon hanggang Pebrero 28 nitong taon, umabot sa 326 ang kaso ng diarrhea sa bayan, kung saan 14 ang namatay.

Anim sa mga ito ang bata, 6 na iba pa ang nasa edad 18 hanggang 59, at 2 ang edad 60 pataas.

Pinakamaraming naitalang kaso ng diarrhea sa Barangay Melville, Catagupan, Salang, Ramos, at Poblacion 6.

Hanggang ngayon, hindi pa rin umano nagdeklara ng diarrhea outbreak ang pamahalaan ng Balabac, ngunit dahil kontrolado na ay mas pinapalakas na lamang nila ang information campaign upang mapanatiling malinis ang tubig na ginagamit at iniinom ng mga residente.

Sa datos ng health office, sa 26 na water sources sa Balabac, isa lang ang malinis kaya kinakailangan na matugunan ang pangangailangan sa mapagkukuhanan ng tubig.

Nai-bid na umano ang P4-milyong water system project na ilalagay sa Barangay Melville habang nasa proseso na ang para sa Poblacion.

Patuloy pa rin naman ang pamimigay ng aquatabs, o tabletang nakakalinis ng inuming tubig, na maaaring magamit ng mga residente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.