Kalidad ng tubig ng mga dagat sa Eastern Visayas, pasado sa EMB

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2018 03:37 PM | Updated as of Nov 05 2018 11:12 AM

Kalanggaman Island. ABS-CBN News

TACLOBAN CITY- Nananatiling malinis ang tubig sa mga dinadayong dagat sa Leyte, ayon sa Environmental Management Bureau.

Ayon sa EMB, maayos na naipapatupad ng mga lokal na pamalahaan ang mga polisiya upang mapanatili ang kalinisan ng mga tabing-dagat.

Ilan sa mga sikat na islang hinirang ng EMB ay ang Canigao Island, Cuatro Islas, at Kalanggaman Island.

Halimbawa na lamang daw sa Kalanggaman Island sa bayan ng Palompon, araw-araw na hinahakot ang mga basura at walang gusaling nakatayo sa isla.

"Sa Kalanggaman kasi walang gusali. Ang basura nila hinahakot araw-araw. Napakahigpit ng lokal na pamahalaan ng Palompon sa pagtatapon ng basura," ani Letecia Maceda, regional director ng EMB.

Dagdag pa ng EMB, bagaman may ilang pagkakataon na dumudumi ang tubig sa dagat dahil sa mga pag-ulan, walang metal, fecal o bacterial pollutant na dumudumi sa tubig.

Nag-abiso naman ang EMB sa mga lokal na pamahalaan na paigtingin pa ang pagbabantay sa mga resort upang mapanatili ang kalinisan ng mga ito.

-ulat ni Melanie Bingco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.