Kaanak ng mga mangingisdang nasawi sa 'Vinta,' masama ang loob

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2018 09:58 PM | Updated as of Mar 08 2018 08:16 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Katarungan ang hiling ng mga kaanak ng mga mangingisdang namatay sa kasagsagan ng bagyong "Vinta" noong nakaraang taon dahil sa umano'y mapang-aping pagtrato sa kanila ng kompanyang pinagtrabahuhan ng mga nasawi.

Higit 40 mangingisda ang namatay noong Disyembre sa may Mangsee Island, Palawan nang tumaob ang may apat na bangkang pagmamay-ari ng kompanyang Philmariner Aqua Ventures.

Pero ayon sa kaanak ng ilang mangingisda, mula nang mangyari ang trahedya ay isang beses pa lang silang hinarap ng may-ari ng Aqua Ventures para alukin ng pera kapalit umano ng kasunduang hindi na sila maghahabol pa sa kompanya.

Nasa P15,000 ang ibinibigay ng kompanya sa mga nakaligtas sa insidente habang P30,000 naman sa kaanak ng mga nawawala o kumpirmadong patay.

Ikinasama rin ng loob ng ilang naulila nang mabatid na inilibing agad sa isang mass grave sa Mangsee Island ang ibang bangkay kahit hindi pa nila nakikita.

Sa pakikipag-ugnayan ng ABS-CBN News kay Felipe Del Rosario, may-ari ng Aqua Ventures, sinabi nitong nasa Department of Labor and Employment (DOLE) na ang isyu at sasagot na lang sila sa tamang lugar.

Sa panayam kay Del Rosario noong Enero, sinabi nito na hindi naman nila papabayaan ang pamilya ng mga mangingisda.

Dating alkalde si Del Rosario ng Navotas, kung saan nakabase ang Aqua Ventures. Konsehal naman sa lungsod ang kaniyang anak na si Marielle.

Kinuwestiyon din kung bakit hindi nakipag-ugnayan ang kompanya sa Philippine Coast Goard (PCG) noong kasagsagan ng bagyo.

Ayon kay PCG spokesman Commander Armand Balilo, nalaman na lang nila ang insidente nang magtungo sa kanila ang mga pamilya ng mga mangingisda.

Pinabulaanan naman ni Del Rosario ang pahayag ni Balilo at sinabing nakipag-ugnayan daw sila sa Navotas Coast Guard.

Dagdag pa ng mga naiwang pamilya, bawal ang uri ng pangingisda na pinagagawa sa kanilang mga kaanak.

Sa permit ng Bureau of Fisheries, "hook and line" o pangangawil ang dapat paraan ng pangingisda ng apat na bangka.

Pero hindi raw ito totoo, ayon sa kaanak ng mga nasawi, dahil gumagamit daw sila ng malaking lambat, na ipinagbabawal sa batas.

Ayon sa kaanak ng mga mangingisda, ito ang dahilan kung bakit nais itago ng mga may-ari ng Aqua Ventures ang isyu.

Handa naman umanong makipag-usap ang kompanya sa mga naiwang pamilya pero dapat ay isa-isa lang at hindi magkakasama. -- Ulat ni Henry Omaga-Diaz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.