Halos 200 bata, pinabakunahan kontra tigdas sa Negros Oriental

Annie Perez and Jenette Fariola-Ruedas, ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2018 04:54 PM | Updated as of Nov 05 2018 02:21 PM


DUMAGUETE CITY - Halos 200 na bata ang pinabakunahan kontra tigdas, Miyerkoles, isang araw matapos kumpirmahin ng Department of Health (DOH) na mayroong "measles outbreak" sa Negros Oriental.

Ayon sa ilang magulang, agad silang pumunta sa ilang barangay health center upang pabakunahan ang kanilang mga anak bago pa sila mahawa sa kumalakat na sakit.

"May nagpunta kasi sa amin na magpabakuna raw para sa measles. Pumunta naman kami ngayon para sa safety ni baby," ani Pinky Merto na nakatira sa Barangay Daro, isa sa mga lugar kung saan naitala ang ilang kaso ng tigdas.

Patuloy ding isinasagawa ang information drive sa ibang bahagi ng Visayas kung saan hindi pa nagdedeklara ang pamahalaan ng pagkalat ng tigdas.

Sa Eastern Visayas, may 6 na kaso na ng tigdas ang naitala kaya naman tuloy-tuloy ang mga opisyal ng barangay sa pangangatok sa mga bahay upang paalalahanan ang mga magulang na pabakunahan na ang mga anak.

Ang mga batang 5 anyos pababa ay kinakailangang makatanggap ng hindi bababa sa 2 dose ng bakuna laban sa tigdas, ani Elaine Villarosa, coordinator ng measles prevention program sa Tacloban City.

Ayon sa DOH, ang tigdas ay isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga sanggol dito sa bansa.

Noong nakaraang linggo ay kinumpirma rin ng pamahalaan na mayroong measles outbreak sa isang barangay sa Taguig City at sa Davao City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.