Duterte, binalaan ang mga di tutulong sa rehabilitasyon ng Boracay

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2018 09:41 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na aarestuhin ang mga hindi makikipagtulungan sa pagsasaayos ng mga problemang pangkalikasan ng Boracay.

"Aarestuhin ko kayong lahat and if you put up a fight, I will charge you for sedition," ani Duterte.

"Kung ayaw nila mag-cooperate and they begin to protest, kayo naman may kasalanan diyan... pati 'yong mga local officials who were nonchalant of the problem there," aniya.

Una nang ipinahayag ng pangulo na balak niyang isailalim sa "state of calamity" ang Boracay para mabigyang daan ang rehabilitasyon ng isla matapos kumonsulta kay Interior and Local Government officer-in-charge Eduardo Año.

Binalaan din ni Duterte ang mga korte hinggil sa paglalabas ng temporary restraining order laban sa mga ginagawang hakbang ng pamahalaan sa Boracay.

Inirekomenda rin ng ilang ahensiya ng gobyerno, na inutusan ng pangulo na ayusin ang problema sa Boracay, na ipasara ang isla para bigyang daan ang rehabilitasyon o pagsasaayos nito.

Kabilang sa ilang suliraning pumepeste sa Boracay ay ang mga estrukturang itinayo sa loob ng 25-plus-5 easement zone at mga palyadong drainage system o paagusan ng ilang establisimyento.

Ayon kay Tourism Secretary Wanda Teo, alam niya na maaapektuhan ang turismo sakaling matuloy na ipasara ang isla.

Pero mas malaki raw ang balik sa Pilipinas kapag naayos ang Boracay.

"Sa akin is we have to bite the bullet because Boracay is one of the best resort in the world," ani Teo. "If we don't act now, ten or five years from now, Boracay will no longer be considered the best."

Ipinahayag naman ni Mayor Ciceron Cawaling ng Malay, Aklan ang suporta ng pamahalaang lokal sa pagsasailalim ng Boracay sa state of calamity.

Watch more in iWantv or TFC.tv

KUSANG NAGBAKLAS

Kusa namang nagbaklas ng mga estruktura ang mga may-ari ng mga establisimyento sa Puka Beach sa Boracay na lumabag sa easement rule.

Hindi maiwasan ng ibang may-ari na mapaiyak dahil ilang dekada nang nakatayo ang kanilang mga tindahan pero kailangan pa ring gibain dahil malapit sa baybayin.

Nasa 30 iba pang mga tindahan ang kusang nag-demolish alinsunod na rin sa utos ng lokal na pamahalaan.

"They're in an area na hindi sila puwede so tatanggalin namin," ani Rowen Aguirre, executive assistant ni Mayor Cawaling.

Itinuturing kasing "last frontier" ng Boracay ang Puka Beach dahil wala masyadong nakatayong malalaking gusali.

Sisilipin din ng pamahalaang lokal ang isang itinatayong gusali sa dulo ng Puka Beach kung may mga kaukulang dokumento.

-- Ulat nina Jeff Canoy at Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.