Alibi ng pulis na 'nadapa, nakabaril' sa 13 anyos, pinagdududahan

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2018 08:44 PM

Tila nalalabuan si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Oscar Albayalde sa dahilang inilahad ng isang pulis na umano ay nakabaril kamakailan ng isang 13 anyos sa Tondo, Maynila.

Ayon kay Albayalde, paiba-iba ang mga salaysay ni Police Officer 2 Omar Malinao, ang itinuturong nakabaril sa 13 anyos na si Aldrin Pineda noong Biyernes ng gabi.

Una umanong ikinuwento ni Malinao na nagpaputok ito ng warning shot pero nagbago umano ang salaysay niya at sinabing nadapa siya kaya aksidenteng nakalabit ang gatilyo ng baril.

Dagdag ni Albayalde, dumaan naman sa matinding pagsasanay ang mga pulis kaya malabo ang binabanggit ni Malinao na biglang nakalabit ang kaniyang baril nang siya'y matapilok.

Kuwento pa umano ni Malinao ay tumutugon lang siya sa reklamong may magnanakaw daw sa isang katayan sa Vitas, Tondo nang mangyari ang insidente.

Nagdududa rin ang Manila Police District (MPD) sa mga pahayag ni Malinao, ayon sa tagapagsalita ng MPD na si Superintendent Erwin Margarejo.

Hindi pa rin umano maituturing ng MPD na suspek si Malinao dahil naghihintay pa ng konkretong ebidensiya.

Itutuloy naman ni Michelle Pineda, ina ng biktima, ang pagsampa ng kaso laban kay Malinao.

Kumokonsulta na rin ang pamilya ng biktima sa Commission on Human Rights (CHR) habang patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang kaso.

Sa ngayon, hinihintay pa ang resulta ng ballistic exam para malaman kung ang bala na tumama sa bata ay sadyang galing sa baril ng pulis.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.