ALAMIN: Mga benepisyo ng mga buntis na empleyada

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2018 06:01 PM | Updated as of Nov 05 2018 10:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mayroong mga pribilehiyo at benepisyo na maaaring makuha ang isang buntis o manganganak na empleyada sa ilalim ng batas, ayon sa isang abogado.

Lumabas ito sa pagtalakay sa maternity benefits sa programang 'Usapang de Campanilla' sa DZMM nitong Martes.

Ayon kay Atty. Claire Castro, maaaring maghain ng maternity leave o pahinga mula sa trabaho ang isang buntis na emplayada bago manganak. Nagtatagal ang maternity leave ng 60 araw o 2 buwan. 

Kung cesarean ang panganganak, maaari umanong magtagal ang maternity leave ng 78 araw.

Sa ilalim ng maternity leave, makukuha pa rin ng empleyada ang kaniyang suweldo at daily allowances kahit na hindi pumapasok sa trabaho. 

Ngunit may mga kondisyon umano na dapat sundin para makuha ang mga benepisyo, ayon kay Castro.

"Dapat ipaalam mo sa employer mo na nagdadalantao ka," ani Castro.

"Kasi 'pag ni-report mo 'to, ire-report din naman [ng] employer sa SSS. Aabonohan ng employer 'yung benepisyong ibibigay sayo, [ang] SSS ngayon ang magre-reimburse sa employer," paliwanag ng abogado.

Kapag hindi nasabi ng employer sa gobyerno ang paalam ng empleyada, ang employer umano mismo ang magbabayad ng mga benepisyo, at maari pa itong magkaroon ng penalty.

Ayon pa kay Castro, hanggang sa ikaapat na anak lamang puwedeng gamitin ang maternity leave.

Samantala, sakop din daw ng maternity benefits ang mga nakunan habang nagbubuntis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.