4 patay sa salpukan ng jeep, motorsiklo sa Rizal

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2018 05:08 AM

Patay ang 4 katao sa salpukan ng isang jeep at 2 motorsiklo sa Barangay Pag-asa, Binangonan, Rizal Martes ng gabi.

Nasawi ang mag-asawang sina Celso at Marilen Angel at 2 babae na sina Perly Bucalon at Roseby Mondragon.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nawalan umano ng kontrol ang jeep na minamaneho ni Norman Bacordo na patungong Angono, Rizal.

Lumiko ito sa kabilang kalsada at bumangga sa kasalubong na 2 motorsiklo pasado alas-10 ng gabi.

Sakay sa isang motorsiklo ang mag-asawang Angel habang sa kabilang motorsiklo naman ang 2 babae.

Sa lakas ng impact, tumilapon ang mga biktima habang nasira ang hood ng jeep.

Ayon kay Jordan Ligutom, team leader ng Angono Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, hindi na umabot ng buhay ang mga biktima nang dalhin sa ospital.

Posibleng mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and damage to properties si Bacordo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.