18 pamilya sa Bacolod, nasunugan

Mark Gabriel Salanga, ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2018 10:46 PM

BACOLOD CITY- May 18 pamilya sa Purok Santo Niño sa Barangay Sum-ag sa Bacolod City ang nawalan ng bahay dahil sa isang sunog nitong Miyerkoles.

Narinig umano ang isang pagsabog mula sa bahay ng isang Eruelo Onate ayon sa mga residente.

Kuwento ng kapitan ng barangay na si Rodney Carmona, nagluluto umano sila sa bahay ni Onate dahil kaarawan ng anak nito nang biglang sumabog ang butane na kanilang ginagamit.

Mabilis na umanong kumalat ang apoy.

Wala naman nasugatan o namatay sa insidente.

Kuwento ni Antonio Separo, isa sa mga nasunugan, sinubukan pa niyang isalba ang ilan sa kaniyang mga gamit ngunit nabigo siya.

Nasa P100,000 umano ang halaga ng pinsalang dulot ng apoy.

Iniimbestigahan pa rin ng mga awtoridad ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.