1 patay, 4 nakatakas sa engkuwentro sa South Cotabato

Yen Mangompit, ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2018 03:56 AM

Patay ang isang lalaki habang nakatakas naman ang 4 pa nitong kasamahan matapos makipagbarilan sa mga pulis sa isang checkpoint sa Polomolok, South Cotabato Martes ng gabi.

Kinilala ang nasawi na si Benzaid Nilong, 32-anyos, residente ng Barangay Lapu, Polomolok.

Ayon sa mga pulis, sangkot umano ang mga suspek sa holdap, robbery, at pagnanakaw ng mga motorsiklo sa mga bayan ng Polomolok at Tupi.

Bago nangyari ang engkuwentro, nagsasagawa ng checkpoint ang Polomolok police sa Barangay Pagalungan pasado alas-8 ng gabi.

Ayon kay Senior Supt. Nelson Salcedo, provincial director ng South Cotabato police, kasama sa nagsagawa ng checkpoint ang hepe ng Polomolok na si Chief Insp. Alex Orcajada.

Pinara ng mga pulis ang mga suspek nang mamataan sakay ng 2 motorsiklo.

Isa rito ay walang plaka kung saan nakaangkas si Nilong.

Pero nakipaghabulan umano ang mga suspek na nauwi sa putukan.

Tinamaan si Nilong dahilan ng kaniyang agarang pagkamatay.

Bumangga rin sa puno ang minamanehong pick-up ni Orcajada sa habulan. Hindi naman ito nasugatan.

Patuloy pa ang paghahanap ng pulisya laban sa mga nakatakas na suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.