Mga sibilyan, tutulong sa seguridad sa Cotabato

Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2017 09:16 PM

COTABATO CITY - Bubuo ng special civilian active auxiliary (SCAA) ang militar na siyang gagamiting force multiplier para sa Task Force Kutawato.

Sa bisa ng Resolution No. 6124, series of 2017 na inaprubahan noong February 14, 2017, ini-endorso ng Sangguniang Panlungsod ang muling pagbuo sa Task Force Kutawato, na pangungunahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), particular na ng 5th Special Forces Battalion.

Ayon kay Konsehal Abdillah Lima na siyang nagpasa ng resolusyon, magiging katuwang ng City Police Office ang militar sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lungsod, kung saan sila ang magbabantay sa mga entry at exit points sa Cotabato City.

Bubuo rin ng SCAA na siyang magsisilbing force multipliers para sa task force.

Hindi tulad ng mga tanod ng barangay, mas magiging mahigpot ang pagpili at pagsalang sa mga nais mapabilang sa bubuoing grupo.

Ang muling pagbuhay sa Task Force Kutawato ay isang paraan ng lokal na pamahalaan para mas mapaigting ang seguridad sa lungsod at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan, lalo na't dumarami ang namumuhunan sa lungsod.

Buo naman ang suporta ng konseho ng lungsod sa Task Force Kutawato, kung saan pinag-uusapan na ang paglalaan ng pondo para rito.