3 bata patay matapos malunod sa dagat

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2017 11:08 AM

Tatlong bata ang namatay matapos malunod sa dagat Lunes ng hapon sa Barangay Tabin-Dagat sa lalawigan ng Romblon.

Nakilala ang mga nasawi na sina Daniel Jacob Teano Taneza, 11, Heaven Aizeh Adel Fababaer, 8, at Mike David Atilano Panoy, 10--pawang magaaral at residente ng naturang barangay.

Tanging ang walong taong gulang na si Miguel Llorca Valenzuela ang nakaligtas sa aksidente, ayon sa pulisya.

Sa imbestigasyon, lumitaw na nagkasundo ang magkakaibigan na lumangoy sa dagat dakong ala-1:15 ng hapon.

Pero hindi umano nila inaasahan ang malakas na agos ng tubig na nagdala sa kanila sa malalim na bahagi ng dagat.

Tinangka subalit nabigo ang apat na makalangoy pabalik sa pampang.

Isa sa mga kaibigan ng apat ang nakakita sa kanila at humingi ng tulong upang masagip ang apat. Pero tanging si Valenzuela na lamang ang nakaligtas.

Kasalukuyang nasa pagamutan pa si Valenzuela.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.