MANILA -- Nataranta ang mga residente ng Barangay Talayan sa Quezon City nang sumiklab ang sunog nitong Lunes.
Ayon kay Arcy Gascon, isa sa mga nasunugan, bandang tanghali nang magsimula ang apoy.
“Nasa 12:30, lumabas ang kapatid ko may narinig siyang sumisigaw na sunog. Paglabas ko, may nakita na ako sa may second floor sa bintana sa may gilid. Kumakalat na ['yung apoy],” ani Gascon.
Dali-dali niya umano inilabas ang pamilya sa kanyang tahanan, partikular na ang kanyang lola at ama.
Sinubukan niyang magsalba ng gamit, pero nabigo siya dahil aniya mabilis ang mga pangyayari.
“May nababa akong damit ng nanay ko. Paakyat na sana ako kaso noong pag-akyat, ko 'yung apoy nasa gilid na ng hagdanan namin, kaya di ko na sinubukan,” ani Gascon.
Itinaas ang unang alarma sa sunog bandang 12:23 at iniakyat naman ito sa pangalawang alarma bandang 12:38 p.m.
Idineklara ang fire under control ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sunog bandang 1:35 ng hapon, at 2:01 p.m. naman tuluyang naapula ang apoy.
Ayon sa BFP, iniimbestigahan pa nila ang sanhi ng sunog na tumupok sa ilang bahay sa lugar.
“Ayon sa mga report ng mga tao ang pinagmulan daw ang pagluluto, bigla nalang daw nagliyab,” ayon kay BFP Fire Inspector Alex Maglaya ng Agham Fire Station.
Walang naitalang nasugatan o namatay sa sunog, ayon sa BFP.
Aminado ang BFP na nahirapan silang apulahin ang apoy dahil maliit lang ang daanan at nangyari pa ito sa gilid ng creek.
Malayo rin ito sa pinakamalapit na fire hydrant.
“Alam po nating ngayon ay Fire Prevention Month. Dagadagan pa natin ng dobleng pag-iingat natin, lalong-lalo na sa mga kabahayan natin na ang pinagmumulan ay sa electrical wiring,” paalala ni Maglaya sa publiko.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.