Inabot ng halos 2 oras ang dating 30 minutong biyahe ni Jocelyn Huam papasok ng trabaho sa unang araw ng tigil-pasada ng ilang transport groups ngayong Lunes.
"Mas mahirap po, dahil mas maraming sumasakay ngayon. Punuan na ang mga bus," ani Haum.
Pero kung nakatiyempo si Haum ng libreng sakay sa ruta niya, hindi ganoon kasuwerte ang kapuwa commuter na si Cherylyn Alingayaw, na higit isang oras nang nag-abang ng bus o jeep nitong umaga ng Lunes.
"Wala naman akong makitang libreng sakay... hirap sumakay eh," ani Alingayaw.
Ayon sa transport group na Manibela, ganoon ang situwasyon kapag tuluyang na-phase out ang traditional jeepneys.
Ikinasa ang isang linggong tigil-pasada upang ihayag ng mga transport group ang kanilang pagtutol sa public utility vehicle (PUV) modernization program.
Bandang alas-7 ng umaga, nagtipon-tipon ang mga grupong Manibela at Piston pati commuters at ilang aktibista sa may University of the Philippines-Diliman sa Quezon City upang iprotesta ang jeepney phaseout.
Kasama sa mga nakilahok sa pagkilos ang senior citizen na jeepney driver na si Diosdado Estrada.
"Mawawalan na ako ng hanapbuhay. Sana hindi i-phase out ‘yung mga jeep, dahil diyan kami kumukuha ng pang-araw-araw. Anong mangyayari sa amin? Saan kami kukuha ng pang araw-araw," ani Estrada.
Mula UP, dumiretso ang mga driver papuntang Philcoa area para magdaos ng programa, kinalampag ang tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at pumuntang Mendiola sa Maynila.
May nagdaos din ng kilos-protesta sa Monumento Circle sa Caloocan City.
Hiling ng mga grupo na suspendehin muna ang pagpapatupad ng kasalukuyang porma ng jeepney modernization.
"Sa balangkas ng modernization, tayo ay bukas. Pero sa usapin ng rehabilitasyon ng pampublikong transportasyon, bakit kailangan namin pumasok sa corporation, bakit hindi puwede ang local association na manatili?" ani Piston President Mody Floranda.
"Sana ito ay makatao, makatwiran, nang sa ganoon lahat makinabang, hindi iilan lang at hindi pahirapan ang kasamahan na mabaon lang sa utang. ‘Yung modernization nila i-phaseout ang traditional jeepneys talaga," sabi naman ni Manibela Chairman Mar Valbuena.
Sa pagtataya ng Piston, 90 porsiyento ng mga ruta sa Metro Manila ang naapektuhan ng tigil-pasada nitong umaga ng Lunes.
Pero ayon sa LTFRB, 10 porsiyento lang ang apektadong ruta sa National Capital Region habang 5 porsiyento lang sa buong bansa, na naayudahan umano ng libreng sakay ng mga lokal na pamahalaan at mga ahensiya ng gobyerno.
"With the available rescue buses and libreng sakay na-address. Walang nakitang nag-build up 'till now na passengers," ani LTFRB technical divison head Joel Bolano.
Sa Albay, tigil-pasada muna ang nasa 100 jeepney driver.
Sa Lucena City, Quezon, hindi sumama sa tigil-pasada ang mga miyembro ng Lucena Jeepney Operator and Drivers Association at Lucena City Transport Cooperative, na pinakamalaking grupo ng mga asosasyon ng jeepney sa lungsod.
"Wala namang nagsasabi sa amin na kami ay mag-strike. Saka paano naman ang pamilya namin? Magugutom. Kailangang kumita para may pambili ng pagkain," anang tsuper na si Elpidio Gutierrez.
Pero ramdam sa katabing-bayan ang epekto ng tigil-pasada.
Sa isang terminal patungong Candelaria at Sariaya sa Quezon, tanghali na ay wala pang jeep na dumadating kaya napilitan ang mga pasaherong mag-tricycle muna.
Sa Davao region, inilabas ng regional office ng LTFRB ang manifesto ng pagsuporta ng nasa 31 transport cooperative sa rehiyon sa PUV Modernization Program.
Kaya ayon sa regional director ng ahensiya sa Davao region, walang tigil pasada o kilos-protestang na-monitor sa kanilang lugar.
Nagpaalala naman si LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III sa transport groups na may kaakibat na responsibilidad ang prangkisa nila.
"Kaya nakatakip ‘yung kanilang plate number dahil alam nilang may sanction ‘yung kanilang ginawa, labag sa batas. Labag sa prangkisa ang hindi nila pagbiyahe," ani Guadiz.
"We will be filing the appropriate administrative charges doon sa mga nag-abandona sa kanilang mga ruta at sumama dito sa tigil-pasada," dagdag niya.
Muling nakiusap si Guadiz sa transport groups na ihinto ang strike.
Bukas umano ang gobyerno na baguhin ang ilang probisyon sa PUV modernization para tugunan ang mga hinaing ng mga driver at operator.
Isa sa mga tinututulan sa programa ang pagkakaroon ng isang kooperatiba bawat ruta, na ayon sa Guadiz ay pinag-aaralan na ng technical working group.
Hindi rin aniya ibabasura kundi ia-upgrrade lang ang traditional jeepneys.
Ininspeksiyon ngayong Lunes ang isang model na kahawig ng traditional jeep pero mas malaki ang kapasidad, mas matangkad kaya puwedeng tayuan at nagkakahalagang P1.3 milyon.
Ayon naman kay Transport Secretary Jaime Bautista, kung kakailanganin ay bukas siyang palawigin ang deadline sa pag-consolidate ng mga jeepney driver at operator, na unang hakbang tungo sa modernization.
"Alam mo lahat ng bagay ay possible. Ang gusto lang namin is, mag-usap tayo. Kung makikita naman natin na kulang iyong panahon para maayos iyong consolidation, eh puwede naman i-extend iyan," ani Bautista.
Iginiit naman ni Floranda ng Piston na magtutuloy-tuloy ang pagkilos "hangga’t walang aksiyon ang pamahalaan."
— Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.