Balak ng ahensiyang nangangasiwa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na baguhin ang layout o ayos ng mga Immigration counter sa paliparan para maiwasan ang mahahabang pila, na minsa'y sanhi ng pagkaiwan ng pasahero sa flight.
Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) Senior Assistant General Manager Bryan Andersen Co, balak baguhin ang layout ng Immigration area, partikular sa Terminal 3, para madagdagan ang counters.
"As far as congestion is concerned, we have different programs, which we started last December. Of course, we started with the removal of the initial security screening, which I think was appreciated by a lot of people," ani Co.
"But apart from that, of course, we’re looking at some of the enhancements on the pain points. Where do we experience these congestions? Some in check in, but right now, what really stands out would be the immigration process," dagdag niya.
Aminado ang Bureau of Immigration (BI) na humahaba ang pila sa NAIA, partikular sa Terminal 3, lalo kapag nagkakasabay-sabay ang flights papuntang Europe at Middle East sa hapon.
Limitado kasi umano ang espasyo sa terminal at kahit puno na ng officers ang mga counter ay hindi pa rin ito sapat.
"We are coordinating with airport management sa expansion area sa Immigration especially in Terminal 3 para makapagdadgag tayo ng counters or more Immigration officers," ani BI Spokesperson Dana Sandoval.
May mga sinasanay pa umanong Immigration officers ang BI, ani Sandoval.
Naua nang nag-abiso ang mga awtoridad ng paliparan sa mga pasaherong mag-a-abroad na dapat nasa airport na sila higit 3 oras bago ang flight.
Pero ang pasaherong si Vince ay hindi pa rin nakasakay sa kaniyang flight pa-Thailand noong Pebrero kahit 5 oras na ang inilaan.
Ito'y dahil aniya sa mahabang pila sa Immigration at marami pang itinanong sa kaniya, na sa kaniyang palagay ay labis-labis na.
"Kumpleto naman ako ng documents, turista naman ang gagawin ko doon, pinag-ipunan ko travel ko for six months. Nawala lang lahat kasi na-offload so nasayang pera ko," sabi niya.
"Dapat nag-a-assign ng maraming tao. Kung nakita nila na mabagal ang pila, dapat nagtatawag na ng staff or immigration [officer] na kaya makatulong. Hindi 'yong titingnan lang nila," dagdag ni Vince.
— Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.