Umano'y pekeng insurance office sinalakay; 4 tiklo

ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2021 07:32 PM

Watch more in iWantTFC

Arestado ang apat na tauhan ng isa umanong pekeng insurance agency sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Cabuyao City, Laguna. 

Ikinasa ang entrapment operation base sa reklamo ng naging ahente ng Wind Mortuary Insurance sa Cabuyao City, Laguna. 

Nasa P6,358 ang alok sa bawat insurance policy para sa P40,000 hanggang P50,000 na funeral services coverage. 

Dahil abot kaya ang premium at walang age limit, marami ang kumuha. 

Ayon kay Tessie Villas, isang ahente, nagkaproblema nang mayroon nang nais mag-claim ng benepisyo. 

“Noong may mga namatay, hindi nila (insurance agency) naserbisyohan. Siyempre kami ang hinahabol ng taong hindi nila mabayaran,” ani Villas.

Kuwento naman ni Melinda Requino, nakumbinse siya maging branch operator sa Lipa City. Marami rin siyang mga ahenteng naengganyong kumuha ng insurance. 

Noong unang mga buwan, maayos naman umano ang pamamalakad, pero nagsimula nang magkaaberya nang magpalit na ng pangalan ang kompanya. 

“Yung dating W-I-N, naging W-I-N-D after a year. Iko-close ang Lipa branch and in-open naman nila ang Batangas branch. Basta noong mag-1 year na po, nagtatago na po. Hindi na po sila makontak. Lahat kami, blinock po nila,” ani Requino. 

Ayon sa NBI, rehistrado sa Securities and Exchange Commission ang Wind Mortuary Insurance, pero wala itong permit mula sa Insurance Commission. 

“Bukod doon, mayroon nang cease and desist order ang Insurance Commission sa kanila, pero ganoon pa man ay nag-ooperate pa rin sila, nag-aalok ng mga funeral service policy,” ani NBI Calabarzon Assistant Regional Director Atty. Dante Bonoan. 

Dati nang nagpalabas ng babala sa publiko ang Insurance Commission noong Mortuary Insurance pa lang ang pangalan na ginagamit ng kompanya. 

Pagmamay-ari umano ito ng isang Edwin Lumawas na siya ring tumatayong presidente. 

Sa General Santos naman ang head office nito. 

Iginiit naman ng naarestong opisyal umano ng kompanya na siya ay naloko rin ni Lumawas. 

“Isang buwan na siyang hindi sumasagot sa tawag ko. Naka-block ata ako sa cellphone,” ani Eduardo Paras. 

Mahigit 600 ang nabiktima, at tinatayang nasa P6 milyon ang halaga na nakuha sa Lipa at Batangas City pa lang. 

Hindi makontak si Lumawas sa telepono para magbigay ng kaniyang panig. 

Nakakulong sa NBI Detention Center sa Lipa City, Batangas ang apat na tauhan ng Wind Mortuary Insurance. Kakasuhan sila ng syndicated estafa at paglabag sa Pre-need o Insurance Code. 

— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.