Provincial Health Office, public market sa Aklan isinailalim sa lockdown

ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2021 02:00 PM

Isinailim sa lockdown ang Provincial Health Office (PHO) at ang Madalag Public Market sa Aklan dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lugar.

Sa official statement na inilabas ng PHO, pansamantalang isinara nila ang tanggapan nitong Marso 4 matapos magpositibo sa COVID-19 ang lima nitong kawani.

Wala pang itinakdang petsa o araw ng muling pagbubukas nito matapos isailalim sa disinfection ang opisina.

Inilagay din sa 14-day quarantine ang mga kawani na naging close contact ng mga nag-positibong empleyado.

Pinapasok naman sa trabaho ang mga kawani na low-risk at nag-negatibo sa RT-PCR test.

Naka-lockdown din ang public market sa bayan ng Madalag sa Aklan simula Biyernes dahil may anim na naitalang nag-positibo sa virus.

Magtatagal ang lockdown sa naturang pamilihan hanggang Marso 7 para bigyang-daan ang pagdi-disinfect dito. Magbubukas ulit ang public market sa Lunes, Marso 8.
 
Nasa quarantine facility na ng bayan ng Madalag ang mga nagpositibo sa COVID-19.

- Ulat ni Rolen Escaniel