Fish port sa Concepcion, Iloilo naka-lockdown; sanggol, 4 iba pa positibo sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2021 06:10 PM

Nagsagawa ng swab test ang nasa 56 na nagtatrabaho at naging close contact ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa fish port sa Concepcion sa Iloilo. Larawan mula kay Mayor Raul Banias

Isinailaim sa surgical lockdown simula Biyernes ang fish port ng bayan ng Concepcion sa Iloilo matapos makapagtala ng limang bagong kaso ng COVID-19 ang lokal na pamahalaan.

Kasama sa mga nagpositibo ang isang 4-buwang gulang na sanggol. Una nang nagpositibo sa virus ang ina nito na nagtatrabaho sa cafeteria sa fish port.

Nagpositibo rin sa virus ang dalawang kawani ng Bantay Dagat sa lugar.

Sabado nang isinailalim sa mass testing ang nasa 56 na nagtatrabaho at naging close contact ng mga nagpositibo sa virus.

Naka-depende sa ngayon ang pagbubukas ng fish port sa magiging resulta ng mga swab test na nakatakdang lumabas sa Lunes.

Mahigpit na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ang health protocols, at ang mahuhuling lalabag ay sasampahan ng kaso, ayon kay Concepcion Mayor Raul Banias.

- Ulat ni Rolen Escaniel

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.