2 bar ni-raid sa Makati, mga parokyano sinita sa pagsuway sa physical distancing

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2021 11:09 AM

MAYNILA - Sinalakay ng mga awtoridad ang dalawang bar sa Makati City kung saan nasita ang nasa 60 hanggang 70 katao dahil sa hindi umano pagsunod sa health protocol habang patuloy ang quarantine. 

Ayon kay police Lt. Exequiel Caluya, Deputy Sub-station Commander ng Poblacion Police Community Precinct, nakipag-ugnayan sa kanila ang Makati Public Safety Department na naging lead unit ng raid.

Dalawang high end bars ang pinuntahan ng awtoridad Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng madaling araw. 

Unang tinungo ng pulis ang isang club sa General Luna Street sa Barangay Poblacion, at isinunod ang bar sa Burgos Street sa pareho ring barangay. 

Ayon sa pulisya, magkakatabi ang mga customer kaya tinikitan sila dahil sa paglabag sa physical distancing sa gitna ng patuloy na banta ng COVID-19. 

"Sumunod na lang sila sa rules, lalong-lalo na sa social distancing kasi mahigpit pa rin po," ayon kay Caluya.

Hindi na ikinulong ang mga customer pero kailangan nila magbayad ng P1,000 multa. Hindi pa matiyak kung ipapasara ang dalawang bar. 

Paalala ng awtoridad na hindi pa tapos ang pandemya at ipinagbabawal pa rin ang malakihang pagtitipon at mga party.

"Alam naman natin hanggang ngayon bawal pa rin 'yun. 'Pag lumabag sila, mapipilitan kami gumawa ng aksyon," dagdag ni Caluya.

RELATED VIDEO

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.