12-wheeler truck, nasunog sa EDSA-Cubao; driver, pahinante ligtas

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2021 03:52 AM

Video courtesy of Stanley Buenafe Gajete

Nasunog ang isang 12-wheeler truck sa EDSA Southbound sa may Cubao, Quezon City, pasado hatinggabi ng Sabado. 

Ayon sa driver ng truck na si Rolly Cabuyag, galing sila ng Montalban at magdadala sana ng graba sa Pasig nang biglang umusok at umapoy ang makina. 

Sinubukan pa niyang patayin ang apoy gamit ang fire extinguisher pero lumaki na ito, dahilan para bumaba siya agad ng truck kasama ang pahinante. 

"Nag wild 'yung makina. Di na namin napigilin. 'Yung tambucho umapoy. Di na nakayanan ng fire extinguisher hanggang sa umapoy ng buo ang ulo [ng truck]," ayon sa driver. 

Sa gilid na ng EDSA huminto ang truck katabi ng Main Avenue station ng EDSA busway sa ilalim ng MRT track. 

Lumaki ang apoy at nasunog ang buong harapan ng truck. May mga sasakyan sa EDSA na huminto na dahil sa lumalaking apoy, pero meron pa ring dumiretsong dumaan, kabilang na ang oil tanker. 

Nang lumaki pa ang sunog, wala nang pinadaan sa kalsada. 

Dumating ang mga bumbero at agad namang naapula ang sunog. 

Nasa isang oras sinara ang EDSA southbound sa Cubao dahil sa sunog. Maayos naman ang naging kalagayan ng driver at ng pahinante. 

Hindi rin nadamay ang katabing busway station at ang MRT. Inaalam pa ng mga bumbero ang sanhi ng sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.