Pulis tiklo sa pangingikil ng P100,000 mula sa drug suspek

ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2019 07:37 AM | Updated as of Mar 06 2019 09:08 PM


MANILA - Inaresto ang isang pulis-Pasay dahil umano sa pangingikil ng P100,000 mula sa isang drug suspek, Miyerkoles. 
 
Nahuli ng police Drug Enforcement Unit ang suspek na si George Revilla nitong Martes ng hapon, ayon sa inisyal na impormasyon. 

Hiningan umano ng mga operatiba ng pera ang live-in partner ng suspek kapalit ng kaniyang kalayaan. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsumbong naman ang babaeng kinakasama ni Revilla sa police Counter Intelligence Task Force na nagkasa ng operasyon laban sa 7 Drug Enforcement Unit officer. 

Dala ang marked money, pumunta ang babae sa opisina ng DEU sa Pasay, pero kinapakapan siya ng grupo at nadiskubreng marked money ang kaniyang dala. 

Kinuha nila ang cellphone ng babae kaya hindi ito nakapagbigay ng sensyales sa mga tauhan ng CITF, dahilan para makapuslit sila. 

Pero naabutan at nahuli ng CITF si police Corporal Anawar Nasser na kasama sa pakikipag-usap sa biktima ukol sa paghingi ng pera. 

Hinahanap pa ang 3 kasabwat niya sa umano'y robbery-extortion. 

Nito lang Martes, nahuli rin ang isang Eastern Police District-Drug Enforcement Unit officer dahil sa umano'y pangingikil sa isang drug suspek. 

Sinabunutan, dinibdiban, dinuro at minura ni Metro Manila police chief Major General Guillermo Eleazar ang inarestong pulis. 

-- Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.