PatrolPH

Ilang lalawigan sa Cordillera nakararanas ng dry spell

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2019 07:24 PM | Updated as of Mar 06 2019 08:17 PM

BAGUIO CITY - Apektado na ng tagtuyot ang ilang lalawigan sa Cordillera Autonomous Region (CAR), kung saan higit 3 buwan nang walang ulan. 

Dahil dito, apektado na ang pananamin ng mga magsasaka.

Sa lalawigan ng Apayao, ilang magsasaka na ang nangangambang malugi dahil hindi na nila maaring anihin pa ang kanilang mga pananim.

“Pag tuyo na 'yung mga palay namin, wala nang aanihin,” ayon sa magsasakang si John Medrano.

Kung dati kasi ay maulan pa hanggang Hulyo, ngayong taon Enero pa lang, wala na silang naranasang pag-ulan.

“Wala kaming magawa hindi naman umulan, eh kahit naman gusto namin matubigan eh wala naman kaming pambili ng gasolina kasi malalaki na 'yung bitak sa lupa,” ani Juliet Balanay, isa ring magsasaka sa lalawigan.

Bukod sa palay, apektado rin ng tagtuyot ang mga taniman ng mais.

Dahil walang ulan, nag-umpisa nang magbitak-bitak ang lupa sa mga taniman. Ang mga ipinunla nilang mais na dapat ay abot na hanggang dibdib ang pagtubo, ngayon ay isang ruler pa lamang ang taas.

Hiling nila ngayon na makapagdeklara na ng El Niño at mabigyan sila ng ayuda ng lokal na pamahalaan.

“Pag walang ani, magbibigay sila ng libreng binhi para may pagkukunan din kami,” ani Rodney Suniga, isa ring magsasaka.

Ayon naman sa municipal agriculturist ng bayan ng Pudtol sa Apayao, ipapaalam na nila sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ang sitwasyon sa lalawigan para makahingi ng ayuda para sa mga magsasaka.

“Hopefully by next week we will be reporting from the PCIC for the assistance and actually nag-report na kami sa DA (Department of Agriculture) for the dry spell,” ani Marivic Lagmay, Municipal Agriculturist ng Pudtol.

Ayon sa DA, nasa proseso sila ngayon ng pagva-validate sa mga apektadong lugar para makapagdeklara na ng El Niño.

Ilan sa mga apektadong probinsya bukod sa Apayao ay ang Abra, Ifugao at Kalinga.

Sa Apayao, apektado ng tagtuyot ang mga bayan ng Luna, Pudtol, Sta. Marcela, Flora, Cabugao at Conner, habang apektado naman ang mga bayan ng Bangued, Lagangilang at Tubo sa Abra.

Sa lalawigan ng Ifugao, apektado ang mga bayan ng Lamut, Aguinaldo, Alfonso Lista, Hingyon, Hungduan, at Lagawe, at sa Kalinga naman ay ang mga bayan ng Rizal, Tabuk, Tanudan, at Pinukpok.

Itinuturing na may dry spell sa isang lugar kung 3 buwan nang mas mababa ng 20 porsiyento hanggang 60 porsiyento sa normal na dami ng ulan ang nararanasan.

Kapag humigit sa 60 percent na mas mababa ang dami ng ulan at tumagal na ng 3 hanggang 5 buwan, saka makapagdedeklara ng El Niño.

“Sa irrigation system natin, existing naman 'yung patubig natin pero ang corn, hindi natin, medyo magkakaproblema talaga,” ani Apayao Gov. Elias Bulut Jr.

Nakikita rin nilang pang-matagalang solusyon sa problema sa patubig sa Apayao ang paglalagay ng hydropower plant sa Apayao River.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.