50-100 trak ng burak, basura inaasahang mahahakot sa Manila Bay

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2019 12:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA – Inaasahang makapaghahakot ng 50 hanggang 100 truck ng burak at basura kada araw sa ginagawang dredging at desilting operations ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Manila Bay.

Miyerkoles ng umaga nang paganahin at lumusong muli sa tubig ang 2 sa 4 na amphibious excavator ng DPWH habang inihahanda na rin ang dalawa pang excavator.

Ang garbage segregator ng kagawaran ay naka-standby na rin na siyang sasala o maghihiwalay sa mga burak at lupa at basurang mahahakot mula sa Manila Bay.

Pumuwesto na rin ang mga dump truck ng DPWH na paglalagyan ng mga mahahakot na burak mula sa dagat.

Ayon sa DPWH, target ng desilting operation ang 150-metro mula sa baybayin ng Manila Bay. 

Tinatayang aabot din sa 225,000 cubic meters ng burak mula sa 1.5 kilometrong lawak ng baywalk mula US Embassy hanggang Manila Yacht Club ang mahahakot sa dredging operation.

Dagdag naman ni DPWH Director Toribio Ilao, mayroong 5 sektor ang desilting activities at ang bawat sektor ay may 200-300 metro ang lawak.

Halos wala na ring namamasyal sa lugar dahil sa okupado na rin ng mga heavy equipment at iba pang gamit ang baywalk.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.