PatrolPH

20 na-food poison umano ng cassava pudding sa CamSur

ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2019 04:40 PM | Updated as of Mar 06 2019 04:55 PM

Isinugod sa Bicol Medical Center ang tinatayang 20 guro at estudyante ng isang elementary school sa Minalabac, Camarines Sur nang makaranas ng pagsusuka at pagkahilo noong Martes. 

Pinaniniwalaan ng mga pasyente na ang cassava pudding na kinain nila ang sanhi ng pagkalason. 

Kabilang sa mga isinugod sa ospital ang isang guro na walong buwan nang buntis. 

Ayon kay Bicol Medical Center Poison Center head Janet Froyalde, nakalalason ang sangkap na cyanide sa loob ng cassava na nakamamatay din kung hindi nahugasan o naluto nang maigi. 

"Concentrated siya lalo na pag mainit ang panahon" ani Froyalde, na isang toxicologist. 

Binili ang pagkain sa isang Francia Apolinar na 20 taon nang nagbebenta umano ng pudding sa barangay. 

Giit ng kaanak ni Apolinar na nag-deliver ito sa mga karatig-bayan pero wala naman daw silang natanggap na reklamo. 

Posibleng kasuhan ng physical injury o product liability ang nagtinda ng pagkain. 

-- Ulat ni Rizza Mostar, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.