Pulis-Maynila, itinuro sa pambubugbog sa binata sa Rizal

ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2018 07:42 PM | Updated as of Jan 07 2020 04:38 PM

Watch more in iWantTFC

Binugbog at sinindak umano ng isang pulis-Maynila ang isang 18 anyos na binata noong madaling araw ng Pebrero 22 sa Barangay Dulong Bayan II sa San Mateo, Rizal.

Nakuhanan sa CCTV ng barangay ang insidente.

Ayon sa biktima na si alyas 'Marvin,' binugbog umano siya ng pulis na kinilalang si PO1 Mark Gil Justo matapos sitahin na nakaharang sa motorsiklo nito.

Hindi naman agad naisumbong ni Marvin ang insidente dahil sa takot na magantihan. 

Noong Pebrero 23, sinumbong ng biktima ang insidente sa kaniyang ama na si alyas 'Luis,' at nagreklamo sila sa barangay.

Agad sumailalim sa medical checkup ang biktima.

Nahirapan pa umano ang ama ni Marvin na makakuha ng kopya ng CCTV sa barangay dahil may kamag-anak umano si Justo doon.

Pero ayon sa kapitan na si Pablo Flores Jr., hindi nila kinunsinti ang pulis kahit may kamag-anak ito sa barangay.

May blotter na si Justo sa barangay, at tiniyak naman ng kapitan na hindi na mauulit ang insidente.

Lumapit sa munisipyo ng San Mateo ang pamilya ng biktima at nagsampa ng kasong physical injuries at threat.

Kinumpirma naman ng National Capital Region Police Office at Manila Police District na pulis-Maynila ang sinasabing nanakit sa binata.


--Ulat ni Kevin Manalo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.