Poste natumba nang sumabit ang truck sa linya ng telepono sa Davao

Ara Casas-Tumuran, ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2018 05:23 PM | Updated as of Mar 06 2018 05:46 PM


DAVAO CITY - Panandaliang isinara ang Ecoland Drive sa Barangay 76-A dito sa siyudad nang tumumba ang isang poste matapos sumabit ang isang truck sa mga kable nito, Lunes ng gabi.

Natumba ang isang poste ng telecommunication service matapos sumabit ang mga kable sa trailer truck na minamaneho ni Joem Tigdo.

Ayon sa driver, pabalik na sana sila sa garahe sa Sasa nang mangyari ang insidente.

“Wala silang nilagay na warning. Kung maglalagay sila, hindi sana kami dumaan dito," sabi ni Sofronio Basa, supervisor ng PHMC Trucking Services na may-ari ng truck na sangkot sa insidente.

Dagdag ni Basa, dito sila madalas dumadaan tuwing may delivery ng mga construction materials dahil pinapatupad ang truck ban sa national highway ng Davao City mula alas-5 hanggang alas-9 ng umaga, at mula alas-4 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi.

Giit ng PHMC trucking, handa silang harapin ang reklamo kaugnay ng insidente.

Samantala, muling binuksan ang Ecoland Drive sa mga motorista, Martes, matapos matanggal ang nakahambalang na poste sa daan.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.