Pagpapawalang-bisa sa pagtalaga kay Sereno, sasalang sa SC

ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2018 12:05 AM

• 'Red Monday' suporta sa indefinite leave ni Sereno
• Acting chief justice nagpaliwanag kung bakit kailangang mag-leave ni Sereno
• Articles of impeachment vs Sereno pagbobotohan sa Kamara

Watch more in iWant or TFC.tv

Kasama sa tatalakayin sa Korte Suprema sa Martes, Marso 6, ang inihaing petisyon ng Office of the Solicitor General (OSG) para sa pagpapawalang bisa ng appointment ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ayon kay Solicitor General Jose Calida, iba at hiwalay ang quo warranto proceedings sa impeachment. Ang quo warranto petition ay paghingi ng basehan tungkol sa mandato o awtoridad na mamuno. 

Ani Calida, sa impeachment kinukuwestiyon ang mga aksiyon ng isang nakaupong opisyal na valid ang pagkakatalaga. Habang sa quo warranto proceeding, ang eligibility o kuwalipikasyon ng opisyal bago pa ito maluklok ang hinahamon.

Ayon kay Calida, bukod sa Konstitusyon, nilabag umano ni Sereno ang ilan pang batas.

"We are asking her by what authority is she (Sereno) holding the position of chief justice when she violated 'yung mga constitutional and legal requiremnts for eligibility," ani Calida.

Agad namang iginiit ng kampo ni Sereno na dapat ibasura ang petisyon dahil tanging impeachment lang ang makapagpapatalsik sa punong mahistrado.

"Under the 1987 Constitution, the Chief Justice may only be removed from office upon impeachment by the House of Representatives and conviction by the Senate, sitting as an impeachment court," saad ng pahayag ng kampo ni Sereno.

Pero ayon kay Calida, lantarang paglabag sa batas ang hindi pagsusumite ni Sereno ng statement of assets, liabilities, and net worth (SALN) sa loob ng 17 taon noong nagtuturo pa siya sa UP College of Law.

Dagdag pa ni Calida, ground for disqualification ito laban kay Sereno lalo't mandatory requirement ang pagsusumite ng di bababa sa 10 taon na SALN noong nag-a-apply siya bilang chief justice noong 2012.

"The Office of the Solicitor General will not allow you to undergo the indignity that the late Chief Justice Renato Corona suffered at the hands of politicians who unjustly convicted him," ani Calida.

Dumistansiya naman ang Palasyo sa usapin. 

"There are two petitions now pending in court, we leave it to the Supreme Court to resolve these two separate petitions," ani Presidential Spokesperson Harry Roque. 

Bukod sa petisyon ng OSG, may hiwalay na petisyon si Atty. Oliver Lozano na nagpapabawi rin sa appointment ni Sereno.

'RED MONDAY'

Nagpalakpakan at hiyawan ang mga empleyado ng Korte Suprema sa pagbaba ng mga mahistrado para sa lingguhang flag-raising ceremony nitong Lunes.

May mga nagsuot ng pula sa binansagang "Red Monday" para ipakita ang suporta sa 13 mahistrado na naging daan para mag-indefinite leave si Sereno.

Bukod sa mga opisyal at empleyado ng Korte Suprema, naka-pulang necktie ang ilang lalaking mahistrado, habang may pula rin ang disenyo ng damit ni Associate Justice Teresita Leonardo De Castro.

Red necktie din ang suot ng ilang hukom ng mabababang korte na dumalo sa pangunguna ng mga pinuno ng Philippine Judges Association.

Wala naman si acting Chief Justice Antonio Carpio.

Matapos ang flag-raising, nagtipon naman sa labas ng gate ng korte ang ilang supporter ni Sereno.

INDEFINITE LEAVE

Watch more in iWant or TFC.tv

Nilinaw ni Carpio, na hindi pinagkakaisahan si Sereno. Ito ay sa gitna ng mga batikos na walang legal na basehan ang 13 hukom sa paghingi na mag-indefinite leave ang punong mahistrado. 

"Some justices asked the chief justice to go on indefinite leave so she can prepare her defense... The result was the chief justice agreed to go on indefinite leave," paliwanag ni Carpio. "We just wanted to preserve the integrity of the Supreme Court that it will not be affected by the impeachment proceedings."

(Pumayag si Sereno na mag-indefinite leave matapos sabihan ng ibang mahistrado na lumiban para makapaghanda siya ng depensa sa napipintong impeachment trial. Gusto lang naming mapanatili ang integridad ng Korte Suprema at di maapektuhan ng impeachment proceedings.)

Kumilos ang Korte Suprema matapos tumanggi si Sereno na sagutin ang en banc kung totoong hindi niya inihain ang kaniyang SALN na requirement sa pag-a-apply bilang chief justice.

"I also applied for the CJ (Chief Justice) post at that time. We were required by the Judicial and Bar Council... And so I also submitted my SALN for the last 10 years," ani Carpio.

Bagama't tumangging magbigay ng panig si Carpio sa mga reklamo laban kay Sereno, idiniin niya ang kahalagahan ng pagdedeklara ng SALN.

Magreretiro na si Carpio sa susunod na taon at wala nang ambisyong maging chief justice. 

Tanggap din niyang posibleng di siya tipo ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagka-punong mahistrado dahil sa paninindigan ni Carpio sa West Philippine Sea.

"I'm about to retire next year, and I'm just trying to finish all my work to defend our maritime zones," sabi ni Carpio.

Tumanggi namang magbigay ng comment si Carpio sa isinampang quo warranto petition ng OSG.

ARTICLES OF IMPEACHMENT

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa-isang pagbobotohan sa Huwebes, Marso 8, ng House justice committee kung may probable cause o sapat na basehan ang 27 alegasyon ni Lorenzo Gadon sa reklamong impeachment laban kay Sereno.

Ngayon pa lang, nakikita na ni Oriental Mindoro Rep. Rey Umali na madi-dismiss ang isang alegasyon. 

Pero malamang pasok ang umano'y kawalan ni Sereno ng SALN noong propesor siya sa UP at ang tax evasion na nadiskubre ng BIR. 

Matapos ang isa pang botohan para aprubahan ang committee report at draft articles of impeachment sa susunod na linggo, isusumite na ito sa plenaryo bago magbakasyon ang Kongreso sa Marso 22.

Pero ayon sa House rules, puwedeng sa Mayo na ito pagbotohan ng plenaryo.

Payo ni Umali kay Sereno, mag-resign na lang ang chief justice.

Bukod sa impeachment, may quo warranto petition pa ang OSG sa Korte Suprema na kailangang desisyunan ng mga mahistrado, kasama na ang mga nagsabing mag-indefinite leave si Sereno para makapaghanda sa impeachment trial sa Senado. 

"When 13 justices voted on a resolution to force her to go on leave wala na rin siya tatakbuhan," ani Umali. 

Pinag-i-inhibit tuloy ni Albay Rep. Edcel Lagman ang mga mahistradong nagmando ng leave ni Sereno sa quo warranto petition.

"The seven associate justices who unconstitutionally attempted to oust Chief Justice Maria Lourdes Sereno must recuse themselves or inhibit from the adjudication of the quo warranto petition," saad ng pahayag ni Lagman.

Giit ni Lagman, legal ang appointment ni Sereno dahil sumunod ito sa lahat ng requirements ng JBC.

Ayon naman sa kampo ni Sereno, maliwanag na pinagtutulungan na ng mga kaaway niya ang punong mahistrado para mapatalsik siya sa puwesto.

"We wish to reiterate that this latest action by the solicitor general is part and parcel of the grand plan to harass, malign and humiliate the chief justice to force her to resign because her detractors know that the impeachment case, which was built on lies, won't stand a chance in the Senate," pahayag ng kampo ni Sereno. 

Sakaling paboran ng Korte Suprema ang quo warranto petition, madali nang ibasura o bawiin ng Kamara ang impeachment complaint.

-- Ulat nina Ina Reformina, Karen Davila, at RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.