Pagpapabakuna kontra rabies, inilunsad sa Pangasinan

Joanna D. Tacason, ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2018 04:27 PM | Updated as of Nov 01 2018 10:42 PM

ASINGAN, Pangasinan - Ikinasa ng lokal na pamahalaan ang isang anti-rabies program dito sa bayan matapos mamatay ang isang residente dahil sa rabies.

Ayon sa tala ng pamahalaan, namatay ang 52-anyos na tricycle driver noong Pebrero, 2 buwan matapos itong makagat ng isang tuta.

Bukod sa isang biktima ng rabies, nagpositibo sa virus ang 14 na aso at 1 pusa dito sa bayan sa unang 2 buwan ng 2018 kaya't hinikayat ng mga awtoridad ang mga residente na pabakunahan ng anti-rabies ang kanilang mga alagang aso at pusa.

"Prevention talaga. Ang rabies, kapag tinamaan ka nito, wala ka nang pag-asa," ani Dr. Arceli Rubiniol, District Veterinarian.

Pinulong din ng mga opisyal ng barangay ang ilang residente upang ipaalala na sa ilalim ng Animal Welfare Act, maaring pagmultahin ang mga may-ari ng mga aso at pusa kung hindi nila ipaparehistro at papabakunahan ng anti-rabies ang kani-kanilang mga alaga.

Sa ilalim din ng batas ay dapat mayroong sariling kulungan o kaya naman ay dapat nakatali ang mga aso.

Maaaring pagbayarin ng P500 ang mga may-ari ng aso kung mahuhuli ang kanilang mga alaga na pagala-gala sa mga lansangan/

Bukod sa pagpapabakuna, nagsagawa rin ng neutering at spaying ang pamahalaan upang maiwasan ang pagdami ng mga aso sa bayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.