P2,400 pang-agapay sa TRAIN, sinimulang ipamigay

ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2018 08:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsimula na ang pamimigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng ayuda sa mga mahihirap na pamilya kasunod ng pagtaas ng bilihin bunsod ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law. 

Sa headquarters ng DSWD, naglagay na ng mobile ATM ang Landbank para makapag-withraw ng P2,400 ang mga benepisyado ng unconditional cash transfer (UCT) program. 

Saklaw nitong UCT ang mga mahihirap na pamilyang hindi makasabay sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil sa TRAIN.

Nasa P200 kada buwan ang ayudang itinakda ng batas pero nagdesisyon ang DSWD na ibigay na ang pang-buong taong ayuda na P2,400. 

May 10 milyong pamilya ang makikinabang sa UCT, kabilang ang 3 milyong senior citizens at iba pang nasa social pension fund, 2.6 milyong mahihirap na idadaan pa sa validation, at 4.4 milyong benepisyado na rin ng conditional cash transfer (CCT) program.

Ayon sa DSWD, mauuna lang na makatatanggap ng ayuda ang mga may cash card na makakapag-withdraw kahit saang Landbank ATM.

Matapos ang dalawang linggo, susunod ang mga over-the-counter na kumukuha ng benepisyo.

Isa si Rosamir Mercader sa mga kumubra ng benepisyo na nagsabing makakatulong ang natanggap niya dahil nagtaasan na nga talaga ang presyo ng mga bilihin.

Kinukulang ang budget nila para sa pamilya lalo na't part-time lang din sa trabaho ang mister ni Mercader.

Apektado rin ng pagtaas ng presyo ng bilihin si Jinky Dela Peña kaya kumubra na rin siya ng ayuda para mabawi ang natanggal sa kaniyang budget dahil sa TRAIN. 

Malaking bagay daw ang nakuha niyang pera para tustusan ang limang anak.

Ayon sa DSWD, ibibigay rin nila nang buo ang benepisyo sa 2019 at 2020 sa mga taong sakop ng UCT program.

Tataas ng P300 kada buwan o magiging P3,600 kada taon ang matatanggap sa 2019 at 2020.

-- Ulat nina Adrian Ayalin at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.