Mga kawatan dumaan sa kanal, P3M tangay mula 2 sanglaan sa Ilocos Sur

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2018 01:18 PM

CANDON CITY, Ilocos Sur - Aabot sa P3 milyong halaga ng mga alahas at salapi ang nakuha ng mga magnanakaw nang pasukin nila ang 2 sanglaan sa pamamagitan ng paglusot sa isang kanal dito, Lunes.

Malaking butas sa sahig at bukas na vault ang nadatnan ng mga empleyado sa isang sanglaan.

Ayon sa mga empleyado, aabot sa P1.4 milyon ang nakuha mula sa vault.

Ang katabing sanglaan naman na binutas din ang sahig ay nawalan ng alahas na nagkakahalaga ng P1.8 milyon at pera na aabot sa P81,000.

Sinira rin ng mga kawatan ang mga closed-circuit television (CCTV) camera sa loob ng mga sanglaan, sabi ni Chief Insp. Simon Damolkis, deputy chief ng Candon City Police.

"Walang security guard 'pag gabi. Although sinira nila 'yung CCTV doon sa loob, baka sakaling mayroon pang naiwan doon na footage prior 'yung pagsira nila," sabi ni Damolkis.

Nakuha mula sa kanal ang mahabang tali, hydraulic car jack, mga plastik na bote, at isang backpack.

"Doon natin nalaman na ang pumasok doon ay dumaan sa drainage. Pinasok nila 'yung drainage tapos binutas nila 'yung flooring nitong dalawang pawnshop," ani Damolkis.

"Ang pagitan lang nitong dalawang pawnshop ay divider lang. Hindi naman basta-basta papasukin ito, dahil more or less 5 meters ang haba nitong tunnel mula sa drainage," dagdag niya.
 
Noong 2016 ay tinangka na ring pasukin ng mga magnanakaw ang naturang mga sanglaan, ngunit naudlot ang pagnanakaw matapos mapansin ng mga residente ang mga panghukay malapit sa kanal.

Tumangging magpa-interview ang mga empleyado ng 2 sanglaan.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.