Mag-iina, patay sa pananaga ng padre de pamilya

Kevin Joseph Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2018 05:50 PM


Patay ang mag-iina matapos umano pagtatagain ng sariling padre de pamilya sa Romblon, Martes ng umaga.

Pasado alas-6 ng umaga nang mapatay ang isang 31-anyos na babae at mga anak na 5 at 9 na taong gulang sa Sitio Tinimbawan sa bayan ng San Andres.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nagkaroon umano ng pagtatalo ang babae at kaniyang live-in partner dahil sa madalas umanong paglalasing ng 33-anyos na suspek.

Dito na raw pinagtataga ng suspek ang kaniyang mag-iina.

Agad na nai-report sa awtoridad ang pangyayari at narespondehan ng mga opisyal ng barangay at pulisya.
 
Pero sa halip na sumuko, tinangka umanong tagain ng suspek ang mga rumespondeng pulis. Dito na nabaril ang suspek sa kaliwang bahagi ng kaniyang sikmura.

Isinugod pa siya sa ospital pero idineklara nang dead on arrival ng mga doktor.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng awtoridad sa pangyayari.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.