Madalas na pangangaliwa, di kailangang patunayan para sa panukalang divorce

ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2018 05:18 PM | Updated as of Jan 07 2020 03:09 PM

Watch more in iWantTFC

Dumami lang ang mga basehan, pero hindi nangangahulugan na mas dumali, ang proseso ng pagpapawalang bisa ng kasal sa divorce bill na nakasalang sa Kamara. 

Maaari na, halimbawa, basehan ng diborsiyo ang marital infidelity at hindi na umano kailangang patunayan ang madalas na pangangaliwa. 

Isa ito sa mga tinalakay sa programang 'Usapang de Campanilla' nitong Lunes tungkol sa mga karagdagang probisyong nakapaloob sa naturang panukalang batas. 

Ayon kay Atty. Claire Castro, isa ang "marital infidelity" o pangangaliwa sa mga nadagdag na basehan sa diborsiyo. 

"Kasi dati, kapag isang beses lang nangyari, hindi siya ground kahit nambabae pa asawa mo. Pero with this, 'yung marital infidelity, at kapag nagkaroon ng anak sa labas during the marriage, ground na 'yan," paliwanag ng abogado. 

Sa panukalang batas, hindi na umano kailangang patunayan na madalas ang pangangaliwa ng asawa.

Maaari rin umanong gamiting basehan sa diborsiyo ang deklarasyon ng korte na nagsasabing "legally separated" na ng dalawa o limang taon ang mag-asawa.

"They have to prove na hindi na sila nagsasama, hiwalay na talaga sila, hindi mo na ipo-prove na psychologically incapacitated [ang asawa]," ani Castro.

Samamtala, puwede rin umanong gamiting basehan sa pagpapawalang bisa ng kasal ang pagtatangka sa buhay ng asawa, anak, o ng ibang kinakasama.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.