Lalaki malubha matapos ma-hit and run

ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2018 10:52 AM

Sinisiyasat ng mga pulis ang lugar kung saan nabangga ng sasakyan ang isang 21-anyos na motorcycle rider. Larawan mula sa Cagayan De Oro police station 10

CAGAYAN DE ORO - Nalagay sa malubhang kondisyon ang isang 21-anyos na lalaki matapos masagasaan at takasan ng isang sasakyan sa lungsod na ito, Lunes ng madaling-araw.

Sakay ng kaniyang motorsiklo ang biktimang si Jason Ong nang mabangga ng kasalubong na sasakyan sa Zone 3, Barangay Cugman, ayon sa imbestigador na si PO2 Noel Perpetua.

Hindi aniya nakuha ng mga pulis ang plate number ng sasakyan, pero naiwan sa lugar ang ilang parte nito, kabilang na ang brand logo.

Nakakuha rin ang mga awtoridad ng CCTV footage kung saan nahagip ang isang puting SUV na ayon sa isang testigo ay siyang nakabangga kay Ong.

"Sa ngayon tina-track na natin kung saan galing at papunta ang sasakyan. Hiling natin sa driver nito sumuko na lang voluntarily," ani Perpetua.

Ulat ni Angelo Andrade, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.