Ilegal na armas nasabat sa dating pulis, kasamahan sa Maguindanao

Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2018 08:42 PM

Narekober sa isang bahay at isang truck ang M16 at M14 rifle, isang caliber .40, 9mm, at caliber .22 revolver, mga magazine, bala, uniporme, at bandoliers sa isang operasyon sa Sultan Kudarat, Martes. Lore Mae Andong, ABS-CBN News


SULTAN KUDARAT, Maguindanao - Arestado ang dalawang lalaki, kabilang ang isang dating pulis ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), nitong Martes matapos makuhanan ng mga di lisensiyadong armas.

Natagpuan ang mga armas matapos halughugin ng mga awtoridad ang isang bahay sa Sitio Dahwa, Barangay Crossing Simuay sa bisa ng isang search warrant laban sa isang Allan Esmael, na di umano ay lumabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.

Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), nakuha ang ilang matataas na uri ng armas sa isang truck na paalis na sana mula sa bahay nang dumating ang mga awtoridad.

"Kaninang umaga, na-monitor natin na lumabas siya ng bahay nila, so hindi natin pinush through ang search warrant kasi gusto nating mahuli siya dahil may warrant of arrest. Nahuli siya sa town at doon natin siya naaresto," ani Allan Uy, tagapagsalita ng CIDG sa rehiyon.

"Pagdating natin dito, naka-ready na itong truck, nakababa na isang box, nandoon mga baril. Siguro, during the arrest ay nakapag-text siya na itago ang mga baril, ilabas," dagdag niya.

Mayroon nang nakabinbin na warrant of arrest laban kay Esmael, isang dating pulis, dahil sa kasong malversation of government property, ayon kay Uy.

Narekober sa isang bahay at isang truck ang M16 at M14 rifle, isang caliber .40, 9mm, at caliber .22 revolver, mga magazine, bala, uniporme, at bandoliers. Inaresto rin ang drayber ng sasakyan.

Ayon sa opisyal, ang pinaigting na kampanya kontra loose firearms ay bilang paghahanda na rin sa darating na eleksiyon kung saan iniiwasan o pinipigilang magamit ang mga naglipanang baril sa anumang krimen.

Sa tala ng CIDG-ARMM, nasa 13 high-powered at low-powered firearms, daan-daang bala at isang pampasabog na ang kanilang narekober mula sa simula ng taon.