Halik sa leeg, nauwi sa rambol; 4 na estudyante, arestado

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2018 06:06 AM | Updated as of Nov 02 2018 09:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dahil sa isang halik sa leeg, nauwi sa tadyakan, suntukan, at saksakan ang 2 grupo ng mga kabataan sa Maynila Lunes ng hapon.

Nakuhanan sa isang video ang away ng mga kabataan sa Lerma St. sa Sampaloc alas-3 ng hapon.

Naaresto naman ng mga otoridad ang 4 na college students na sangkot sa insidente.

Kuwento ng 18-anyos na biktima, kakausapin sana niya ang suspek matapos umano nitong bastusin ang kaniyang girlfriend nang halikan ito sa leeg.

Kasama ng biktima ang 3 iba pa nang puntahan nila ang paaralan ng suspek.

Nauwi ito sa awayan kung saan nasugatan ang biktima matapos umano itong pagtulungang bugbugin at saksakin ng 12 lalaki na kasama ng suspek.

Nahuli naman ang 4 na kasama ng suspek habang patuloy pang hinahanap ito na agad tumakas matapos ang insidente.

Narekober mula sa isa sa mga nahuli ang isang kilo ng marijuana na nagkakahalaga ng P12,000.

Nakuhanan din ng baril ang isa pa.

Tumanggi na munang magbigay ng pahayag ang pamunuan ng paaralan.

Mahaharap sa kasong frustrated homicide ang mga nahuli.

Kakasuhan naman ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isa sa kanila.

Sasampahan din sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang kasamahan nila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.