Eksperto may payo para kontrahin ang terorismo

ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2018 09:15 PM | Updated as of Jan 07 2020 04:22 PM

Watch more in iWantTFC

Dapat palakasin ng gobyerno ang palitan ng intelligence information sa pagitan ng mga ahente nito para kontrahin ang banta ng terorismo, ayon sa isang eksperto sa seguridad.

Sa panayam ng ABS-CBN News, sinabi ni Rommel Banlaoi na dapat paigtingin ang palitan ng impormasyon sa pagitan ng mga pulis, sundalo, at maging sibilyan.

"We need more and more fusion among law enforcement authorities," ani Banlaoi.

"The sad thing is, some intelligence agencies are taking the info away from other intelligence agencies. We need to overcome that kind of dilemma," aniya.

Kaugnay ito sa pagkakaaresto kay Abdul Nasser Lomondot, umano ay isa sa mga pinuno ng teroristang grupong Maute, noong Sabado sa Maynila.

Bago pa man matapos ang limang buwang bakbakan sa Marawi City noong nakaraang taon, ilang miyembro ng Maute ang nakalabas sa lungsod at nagtago sa ibang lugar.

Ayon kay Banlaoi, ang ilan sa mga Maute ay patuloy na kumukuha ng mga bagong miyembro at bumubuo ng mga bagong grupo.

"They're here to recruit more followers in Metro Manila because of the belief that Metro Manila should be converted to a Muslim state," ani Banlaoi.

Pero mahihirapan umano ang mga natitirang miyembro ng Maute na maghasik ng kaguluhan na sinlaki tulad ng sa Marawi.

Nagbabala rin si Banlaoi laban sa mga "lone wolf" o teroristang kumikilos mag-isa at sa organisadong pag-atake na posibleng gawin ng grupo.

Bukod sa Maute, dapat din umanong bantayang ang higit 20 iba pang armadong grupo sa bansa na sumumpa umano ng katapatan sa Islamic State (ISIS).

Una nang inamin ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald Dela Rosa na, dahil sa pagkakahuli kay Lomondot, nagkulang ang mga awtoridad sa pagbibigay ng seguridad sa Mindanao. 

"May pagkukulang tayo sa pagbantay sa kanila. Sa security forces sa Mindanao, hindi mo naman puwedeng i-cordon off ang buong isla," sabi ni Dela Rosa nitong Lunes.

Kinukumpirma na rin ng Armed Forces of the Philippines ang ulat na ang tubong Maranao na si Humam Abdul Najid, alyas "Abu Dar," ang bagong "emir" ng ISIS sa Timog-Silangang Asya.

Nang tumakas sa Marawi, dala umano ni Abu Dar ang malaking halagang pera na nakulimbat mula sa mga ninakawang bahay, na siyang ginagamit umano ngayon ng mga terorista sa pagkuha ng bagong miyembro.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.