Dating editor ng Top Gear, pinakakasuhan ng cyber libel

ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2018 08:01 PM | Updated as of Jan 07 2020 04:50 PM

Watch more in iWantTFC

Pagkatapos ng dalawang taon, inirekomenda na ang pagsasampa ng kasong cyber libel laban kay dating Top Gear Philippines editor-in-chief Vernon Sarne dahil sa maling impormasyon na lumabas sa social media account ng Top Gear. 

Nag-ugat ang reklamo sa inilagay sa Facebook page ng Top Gear Philippines na larawan ni Nestor Punzalan, na itinuro bilang suspek sa pamamaril sa siklistang si Mark Vincent Geralde.

Kalaunan, nadiskubreng mali ang impormasyong ipinakalat ng Top Gear, ngunit huli na dahil inulan na ng batikos at banta si Punzalan mula sa mga netizen.

Ayon sa abogado ni Punzalan, nagdulot ng labis na trauma ang maling impormasyong ipinakalat ng noo'y sikat na sikat na pahina ng Top Gear, sa pamumuno ni Sarne.

"Sa sobrang takot ng kliyente ko noon, humingi pa siya ng tulong sa NBI at doon na siya natulog," ani Atty. DJ Jimenez.

Sa resolusyong inilabas ng Department of Justice (DOJ), si Sarne lang ang pinapakasuhan dahil hindi naman daw napatunayan na kasama ang staff ng Top Gear sa maling pagdadawit sa kaso kay Punzalan. Pinag-iisipan pa ng kampo ni Punzalan kung iaapela ito.

"Wala, hanggang ngayon walang apology o public apology, mula sa Top Gear o kay Mr. Sarne," dagdag ni Jimenez.

Tumangging magbigay ng pahayag ang Top Gear at si Sarne.

Matagal na ring namaalam mula sa Top Gear si Sarne matapos ang insidente. 

Ang mga post tungkol sa mga pasaway na motorista at paglabag sa batas trapiko na ikinasikat ng Top Gear, hindi na makikita ngayon simula nang umusad ang kaso. 

--Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.