CHR umalma sa alibi ng pulis na 'nadapa, nakabaril' sa 13 anyos

ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2018 12:46 PM | Updated as of Mar 06 2018 08:15 PM

Sinibak na ang anim pulis-Maynila na naka-duty sa Vitas, Tondo nang mabaril ang isang 13 anyos na bata Biyernes ng gabi.

Hindi pa man matanggap ng pamilya ang pagkamatay ng batang si Aldrin Pineda, bahagya silang nabunutan ng tinik nang lumutang ang umano'y gunman na si PO2 Omar Malinao.

"Ang gusto ko talaga sa kaniya, makulong siya. Mabulok talaga siya. Mabayaran niya lang 'yung pagkamatay ng anak ko. Pero kung tutuusin kulang pa talaga iyan kasi buhay ng anak ko 'yung binawi niya," ani Michelle Pineda, ina ng biktima. 

Tumanggi si Malinao na humarap sa media pero base sa kaniyang salaysay sa Homicide Section ng Manila Police District (MPD), Biyernes ng gabi nang mapansin aniyang may "nagtatangkang magnakaw" ng mga bakal sa slaughterhouse sa Vitas.

Nang sawayin niya, nang-asar pa ang mga ito at nagpaulan ng mga bato sa kaniyang direksyon.

Ilang sandali pa ay nakarinig umano siya ng putok ng baril sa kinaroroonan ng grupo at nang magtago siya habang hawak ang kaniyang service firearm, aksidente umano siyang nadapa at napitik ang gatilyo saka pumutok ng isang beses.

Ayon naman sa isang testigo, isang putok lang daw talaga ang narinig taliwas sa sinasabi ng pulis. 

Nilinaw naman ng pulisya na hindi pa itinuturing na suspek si Malinao.

"Hindi rin naman tayo sigurado kung itong pulis na ito ang nakatama naman sa kaniya kasi wala tayong direct witness na magsasabi na siyang namaril," ani Chief Inspector Rommel Anciete, hepe ng MPD Homicide Section. 

Samantala, pasado alas-2 ng hapon ng Martes dumating ang mga miyembro ng MPD para magsagawa ng reconstruction ng crime scene.

Sa ngayon ay hinihintay pa rin ang resulta ng ballistic exam para malaman kung ang bala na tumama sa bata ay galing sa baril ng pulis.

Pero ang Commission on Human Rights (CHR), dismayado kung paano hawakan ng MPD ang kaso.

"Bakit naman pumutok? Nadapa ka lang [tapos] pumutok? Oh, ibig sabihin ano iyon, ready to fire...There must be an investigation and the investigation must be transparent at saka thorough," ani CHR Commissioner Gwen Pimentel-Gana.

Umaasa rin si Gana na hindi pagtatakpan ng pulisya ang kanilang hanay.

"Hindi iyong puwedeng pagtatakpan siya at maniniwala sila doon sa kaniyang rason na sinasabi niyang nadapa siya. Ano bang klase iyon? Negligent 'yon at the very least."

Nakipagpulong na ang CHR sa pamilya ng biktima at nag-ocular inspection na rin sila sa crime scene para sa pagsisimula ng kanilang hiwalay na imbestigasyon.

--Ulat nina Michael Delizo at Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.