Buko vendor na nabugbog sa clearing operation ng MMDA, arestado

ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2018 05:10 PM | Updated as of Jan 07 2020 04:39 PM

Watch more in iWantTFC

Inaresto ang tindero ng buko na nakuhanan sa video nang mabugbog sa gitna ng clearing operations ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Pasay noong Biyernes, Marso 2.

Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, inaresto ang buko vendor na si Romnick Relos dahil idinadawit siya sa isang kaso ng pagpatay noong 2007. 

Bago nito, sinuspende na rin ang tatlong tauhan ng MMDA na sangkot sa pananakit kay Relos.

Inamin ng MMDA na bagaman lumabag ang vendor na si Relos dahil sa ilegal niyang pagtitinda sa ilalim ng Evangelista Footbridge, mali rin ang paraan ng pagpapaalis ng kanilang mga tauhan sa kaniya. 

Pero ayon sa MMDA, ilang beses na nilang pinaalalahanan ang vendor dahil bawal ang pagtitinda sa kalsada lalo at sagabal ito sa trapiko. 

"Kung lahat ng naghahanapbuhay pagbibigyan natin, ano na ang mangyayari sa mga lansangan natin?" ani MMDA officer-in-charge General Manager Jojo Garcia.

Kuwento ng enforcer na si Jun Parreño, nahuli na nila si Relos noong Agosto ng nakaraang taon dahil sa ilegal na pagtitinda.

"Kahit dumadaan kami doon, binabato niya kami ng buko," ani Parreño.

Nagnegatibo naman sa drug test ang mga sangkot sa insidente, kabilang ang mga operatiba at si Relos. -- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.