Baron Geisler arestado dahil sa 'pag-aamok' sa tapat ng bahay ng bayaw

ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2018 01:15 PM | Updated as of Mar 06 2018 04:56 PM

MANILA (UPDATE) - Balik-kulungan ang aktor na si Baron Geisler matapos umanong mag-amok habang may dalang kutsilyo sa harap ng bahay ng kaniyang bayaw sa Angeles City, Pampanga, kinumpirma ng pulisya ngayong Martes. 

Una nang sinabi ni Geisler na binugbog siya ng bayaw na si Michael Robinstone Rodriguez Morales noong Biyernes.

Nitong Lunes, nagbanta ang aktor na papatayin si Morales sa tapat ng bahay nito, ayon sa Central Luzon police. 

Kinasuhan anila si Geisler ng grave threat, alarm and scandal at illegal possession of deadly weapon. Nasa kustodiya siya ng Angeles City Police Station 3. 

May mga pasa sa mukha si Geisler habang nasa loob ng selda nang humarap sa media matapos maaresto. ABS-CBN News

Samantala, iginiit naman ni Morales nitong Sabado na pinagsalitaan ng masama ng lasing na si Geisler ang kaniyang anak. Matapos nito, pinuntahan aniya niya ang aktor sa bahay nito. 

"I went to the house, sa sobrang galit ko, ang dami na niyang sinasabi, 'yun. Nanghahamon na siya eh. So what I did, he asked for it and he got it. That simple," ani Morales sa isang Facebook video. 

"Kaya he deserve[s] what he [got], and he is trying to twist the story," dagdag niya. 

Makailang beses nang nasangkot si Geisler sa mga insidente ng panggugulo. 

Nitong Oktubre 2017, nakulong din si Geisler dahil sa pagwawala umano sa loob ng isang restobar sa Tomas Morato, Quezon City. Nakalaya siya matapos magpiyansa.

May hiwalay ring insidente noong Hulyo ng kaparehong taon.

 

-- May ulat ni Ron Lopez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.