3 arestado matapos mambato ng mga kotse sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2018 08:50 PM

Arestado ang 3 lalaki matapos mambato ng mga sasakyan sa Ilocos Norte nitong nakaraang linggo.

Huwebes ng madaling araw nangyari ang unang insidente na kinasangkutan ng 2 suspek matapos nilang batuhin ang isang pampasaherong bus sa San Nicolas, Ilocos Norte 

Parehong nakasakay sa motorsiklo ang 2 nang batuhin ang bus.

Nabasag ang windshield ng bus na minamaneho ni Jimmy Liaban. 
Kwento ni Liaban, namukhaan niya ang 2 suspek kaya matapos ang insidente agad siyang nag-report sa mga pulis.

Samantala, arestado naman ang ikatlong suspek matapos mambato ng isang kotse sa Barangay Lang-ayan sa Currimao, Ilocos Norte Biyernes.

Ayon kay SPO4 Sadiri Aquino, deputy chief ng Currimao Police Station, minamaneho ng suspek ang kaniyang motorsiklo nang batuhin ang kotse, na nabasag ang windshield.

Sinubukang habulin ng kotse ang suspek. Namukhaan niya ang nambato at nakuha ang plate number ng motorsiklo.

Nahuli ang tatlo sa hot pursuit operation ng mga pulis.

Nakuha rin ng mga pulis ng mga hinihinalang ilegal na droga sa 2 suspek: 3 sachet ng shabu at isang sachet ng marijuana.

Itinanggi naman ng 3 suspek ang lahat ng mga paratang sa kanila.

Nahaharap sa kasong malicious mischief ang 3.

Ayon kay Senior Supt. Romeo Sapitula, director ng PNP Region 1, pinag-igting ang pagbabantay sa mga daan sa rehiyon kontra sa mga tinaguriang "bato boys" na nagiging sanhi ng mga aksidente sa kalsada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.