2 arestado sa buy-bust sa motel sa Cubao

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2018 10:47 AM

MANILA - Timbog ang isang lalaki at isang babae sa ikinasang buy-bust operation sa loob ng isang apartelle sa Cubao, Quezon City, Martes ng madaling araw.

Target ng operasyon ang isang 27-anyos na babae na sumuko na noon sa kasong paggamit ng droga, ayon kay Superintendent Louise Tremor, hepe ng Cubao Police Station.

Inaresto agad ang babaeng suspek at ang kasama nitong lalaki matapos bumili ang babae ng droga sa isang undercover na pulis.

Nakuha sa kanila ang 9 sachet ng hinihinalang shabu.

Aminado ang babaeng suspek na matagal na siyang gumagamit ng droga at dati na ring nakulong.

Sinabi naman ng lalaki na isang criminology graduate na nakilala niya ang babae sa Sta. Mesa at wala siyang alam na may droga ang kasama.

Ito na ang ika-4 na buy bust operation sa naturang motel.

Ipapatawag naman sa barangay ang may-ari ng gusali para maimbestigahan kung bakit patuloy ang bentahan ng droga sa establisimyento.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.