Janet Lim Napoles, inakusahan si De Lima ng extortion

Jeff Hernaez, DZMM

Posted at Mar 06 2017 01:40 PM

MANILA - Inakusahan ng negosyante at umano'y pork barrel scam mastermind na si Janet Lim Napoles ng pangingikil o extortion si Senator Leila De Lima, Lunes.

Sa pre-trial sa kasong plunder ni Napoles sa Sandiganbayan, sinabi niyang hiningan siya ng pera ng ilang opisyal kapalit ng hindi pag-iimbestiga sa hiwalay na illegal detention case laban sa kanya.

"Wala naman po talagang illegal detention na nangyari. Ito po ay extortion lamang," ani Napoles.

Nang tanungin kung sino ang mga nangikil sa kanya, sinabi ni Napoles na, "Isa po si Secretary Leila De Lima".

Hindi naman binanggit ni Napoles kung magkano ang umano'y tinangkang kikilin sa kanya ni De Lima.

Matatandaang sinentensyahan ng Makati Regional Trial Court ng reclusion perpetua si Napoles kaugnay ng umano'y illegal detention ng kanyang second cousin na si Benhur Luy, pangunahing whistleblower sa pork barrel cases.

Isinulong kamakailan ni Solicitor General Jose Calida ang acquittal ni Napoles sa naturang kaso.

Una nang itinanggi ni De Lima ang anumang koneksyon kay Napoles.

Iginiit din niyang maaaring gamitin ng administrasyon ang negosyante upang madagdagan ang mga kaso laban sa kanya.