3 patay sa banggaan ng motor at tanker sa Negros Occidental

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Mar 06 2017 05:29 PM

BAGO CITY - Patay ang tatlong lalaki nang bumangga ang kanilang sinasakyang motor sa isang nakaparadang tanker sa Barangay Taloc, Bago City.

Kinilala ang mga namatay na sina Lonie Benguelo, na siyang nagmamaneho ng motor, at sina Eli John at Gerald, pawang mga angkas.

Ayon sa ulat, papauwi na sana ang mga biktima galing Bacolod nang sila'y maaksidente at tumilapon sa kalsada.

Nadala pa sa ospital ang mga biktima pero binawian rin sila ng buhay.

Ayon sa hepe ng Bago City Police na si Supt. David Cachumbo, posibleng mabilis ang takbo ng motorsiklo at wala ring suot na helmet ang mga biktima.

Hindi rin matukoy ng pulisya kung bakit hindi nakita ng drayber ang nakaparadang tangker kahit na may early warning device ito at nakabukas ang hazard lights nito.

Nag-usap na ang pamilya ng mga namatay at ang may-ari ng trak na nangangakong tutulong sa kanila.