TFC News

Pekeng Pinoy brands bawal ipasok sa UAE

TFC News

Posted at Mar 05 2023 12:44 AM

DUBAI – Nagpahayag ng suporta si Philippine Ambassador to the United Arab Emirates na si Alfonso Ver sa gobyerno ng UAE na tutulong ang gobyerno ng Pilipinas sa pagsawata sa mga pekeng Pinoy brands na iligal na ipinapasok sa UAE.

Ito ang siniguro ni Ver sa isang press conference sa Dubai noong February 23, 2023 na dinaluhan ng mga kinatawan ng Philippine Embassy, Dubai Police at Ministry of Health and Prevention (MOHAP).

1
Abu Dhabi PE photo

Naipupuslit kasi papasok ng UAE ang ilang kilalang Filipino pharmaceutical at personal care products na itinuturing na corrupt at unfair trade practice sa UAE at maging sa Pilipinas.

Inorganisa ang pagpupulong ng Philippine-based pharmaceutical company na International Pharmaceuticals Incorporated (IPI) na tagagawa ng sikat na brands ng liniment, rubbing alcohol at sabon. Dumalo rin sa press conference ang Al Buldan Trading, ang kanilang distributor sa UAE.

Hinihikayat ang publiko na huwag tangkilikin ang mga pekeng produkto ng mga ito na maaring makasama sa kalusugan ng mga gagamit.

Pakiusap ng mga kinauukulan, isumbong ang mga nagpupuslit at nagbebenta ng mga pekeng produkto sa UAE.

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa UAE, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.